Ang Aking Horror Movie
Sa mga nangyayari ngayon, nag-level up na and kapraningan ko. Kung Praning Level 10 ako dati, ngayon Level 25 na. Hindi na ako mapakali ngayon. Kung magugulatin ako dati, ngayon para akong naka-isang gallong energy drink. Ito ay dahil sobrang takot ako sa nakakalungkot na sinapit ng kaibigan ko. Dahil sa totoo lang, ‘yun ang bagay na binabangungot naming mga babae.
Pero ngayon nag-level up na ulit. Level 40 na. Ngayon lang ako nakaramdam na baka nasa isang horror movie ako.
Overnight kami sa office ngayon kasi may kailangang tapusin. Bandang 1.00 ng umaga, lumabas kaming tatlo ng kaibigan ko para kumain ng hapunan. Maya-maya’y tumingkad na ang palaso pababa bilang pagsabi na maaari na kaming sumakay sa elevator patungo sa ikaunang palapag.
Pero pagpasok namin ng elevator, biglang umakyat ito. Umakyat ‘yung elevator hanggang sa ika-siyam na palapag. Pinindot namin ang “G” para bumaba kami pero walang silbi. Matapos non pinilit naman naming umalis mula sa palapag na iyon sa pagpindot ng ibang mga palapag, pero ang nangyari, nagbukas-sara lang ‘yung mga pintuan ng elevator. As in bukas-sara lang talaga siya. Baka sira lang.
Lumabas kami ng elevator para lumipat nalang sa iba. Friend. Ayong palapag, walang tao. Nagmamatapang na akong kumatok sa mga pintuan, sakaling may tao, buti nalnag pinigilan nila ako. Para siyang abandunadong opisina.
Kung hindi ‘yun nakakatakot, eto nalang: WALANG PINDUTAN PARA SA ELEVATOR. Puro mga wires lang ang nakita namin sa lugar ng pindutan. Parang naging bato ‘yung puso ko noon. Gusto kong magwala at umiyak pero hindi pwede, kailangan naming mag-isip ng maayos. Hindi namin magamit ang Executive Elevator kung saan may pindutan, kasi walang card key, hindi matatanggap ang pindot namin.
Pumasok ulit kami. Nagbubukas-sara pa rin ang barinong mga pintuan. Kinakabahan na ako. Nakita namin ang Emergency Call na pindutan. Tumawag kami, kung anu-ano na sinasabi namin, pero walang sumasagot. Nangangatal na ang paa ko.
Walang tao dito sa palapag na ‘to. Kami lang tatlo. Walang nakakarinig sa amin.
Naisip namin na maghanap ng paraan. Lumabas na kami ng elevator.
SAKTONG NAGSARA ANG ELEVATOR AT BUMABA NA PATUNGONG GROUND FLOOR.
Ayan na, sure na ako tumalsik na ang puso ko sa takot at kaba. Tae, anong gagawin namin dito. Parang kaming nasa loob ng isang nakakatakot na pelikula at isa-isa kaming gagawa ng paraan para makaligtas.
Ayaw namin pumasok sa opisina kasi masyadong madilim doon at pakiramdam ko pagbukas ng pinto, bubulilyaso ang mga multo. Ang problema kasi doon, madalas ang emergency exit nasa loob ng opisina.
Wala kaming kontak ng mga kasamahan namin sa opisina. Susme, anong gagawin.
Nagtapang-tapangan kaming maglakad ng konti, nagdarasal na sana nasa labas ng opisina ‘yung emergency exit. Sumagot agad si Lord. ‘Yun na ‘yung exit!!!
Habang lumalapit kami, dumidilim ‘yung lugar.
Hanggang sa nahawakan ko na ‘yung pinto. Tae ayaw bumukas.
Tapos sinubukan ko lahat. Susi pala ‘yung nakakabit. Ginamit ko. Pinilit kong hilahin. Tae hindi gumagalaw. Sinubukan kong itulak. Bingo.
Para akong nakahinga matapos ang pinakamahabang sampung minuto ng buhay ko.
Nangangatal ang paa namin habang naglalakad pababa papunta sa unang palapag. Pagbaba namin nakita namin ‘yung gwardya, galing doon sa lugar kung saan kumakauspa sila ng mga tumatawag sa emergency call. Sinasagot na raw nila kami noon, hindi daw ba namin siya naririnig. Naiiyak na kami non. Tae.
At eto pa, matapos namin ikwento ang mga nangyari, nag-punchline pa ang gwardiya.
“Ay talaga? Naku meron talaga diyan, nanloloko.”
Wala na. Parang nahulog ‘yung puso ko sa semento.
Kinuwento rin namin ito sa gwardya ng opisina, ‘yun din ang sabi niya. May nanloloko daw talaga doon sa mga elevator. Harujusme.
…
‘Yun lang no. Inaamin kong nanguna ang takot sa amin, pero isipin mo. Sobrang blessed din kami. BUTI, may ilaw doon sa palapag na iyon. Pangalawa, buti nalang nasa labas ‘yung emergency exit. Pangatlo, buti nalang naroroon ‘yung susi ng emergency exit.
Hanggang sa pinakanakakatakot na pangyayari, binabantayan pa rin talaga Niya tayong lahat.
Pakiramdam ko, ganoon din ang naramdaman ni Given. Kahit takot na takot na siya noon, sa loob-loob niya, binabantayan pa rin siya ni God.
Sa mga ganitong mga pangyayari, napapaisip ka talaga eh, ‘no. Na dapat talaga magpasalamat tayo sa mga maliliit na bagay sa mundo. ‘Yung simpleng pangyayari na buhay tayong nakauwi patungo sa ating mga bahay, biyaya na ‘yun ni God.
Haynaku. Kaya tayo ha, ingat ingat times 50 million. Mabuti na rin ang praning kahit papaano. :) Tandaan nalang natin ang mga taong masasaktan kapag tayo ang masaktan.
-
the-katelyst liked this
-
watashiaivee27 liked this
-
rajeeve said:
perfect! maging thankful everyday :)
-
rajeeve liked this
-
tinapa posted this







